Features

Tunog ng Pag-unlad: Mithiin ng Center for Performing Arts sa SBCA

Tunog ng Pag-unlad: Mithiin ng Center for Performing Arts sa SBCA

Ni Cassandra Angelyn C. Martinez

Sa pag-unlad ng panahon, tumataas ang pagkilala at pagpapahalaga sa iba’t ibang sangay ng edukasyon. Ito ay hindi lamang sumasaklaw sa intelektuwal na pag-unlad kundi pati na rin sa paglinang ng mga kakayahang pang sining, teatro, sayaw, at musika. Ang pagsasama sa kurikulum ng sining ng pagtatanghal ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng kahangahangang pagkakataon upang mas mapalalim ang kanilang pagkakakilanlan, at maunawaan ang komplikadong mundo sa kanilang paligid. Ito ang nagsilbing layunin ng San Beda College Alabang sa kanilang paglulunsad sa departamento ng Center for Performing Arts o CFPA.

Noong Enero 20, 2024, ikatlong araw ng Pista ng Sto. Niño, nagkaroon ng groundbreaking para sa mga bagong gusaling itatayo sa institusyon at isa na roon ay nakalaan para sa departamento ng CFPA. Upang magkaroon ng karagdagang impormasyon tungkol sa CFPA, aming nakapanayam ang inatasang tagapamahala ng departamento na si Ms. Cheribin Gregorio Cruz o mas kilala bilang Ms. Cheri. Sa kanyang pagsasalaysay, inilahad niya na ito ay ang kaniyang unang taon sa pamamahala ng departamento ng CFPA, pati na rin ang kasaysayan at hangarin niyang maiugnay sa kaniyang mga bubuoing plano sa hinaharap.

Ninanais ni Fr. Gerardo Ma. De Villa, OSB, Rector President ng SBCA, na maging bahagi ng focus area ng 5-year strategic plan ng paaralan ang CFPA. Ito ay sa kadahilanang mas matutukan ang sining ng pagtatanghal, at buhayin ito muli sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga natatanging talento ng mga Bedista.

 

“What Fr. Gerard would like to happen is dapat naka-concentrate [ang CFPA] sa homegrown talents, so, sino ‘yung homegrown talents? Siempre, kayong mga mag-aaral ng San Beda! As the Administrator, magpapa-training ako, magpapa-audition, magpapa-workshop, at gagawa ako ng mga palabas and activities to encourage students and employees to join and participate. That’s the main purpose of the CFPA, to build the best of the best in the South. Kasi laging kapag sinabi mong conservatory of music, musicians, naroon lagi sa North. Sa UP, sa UST, naroon sila pumupunta para mag-aral ng music. So, the ultimate goal, the strategic plan of CFPA 5 years from now is to have a school for music for those who are interested in performing arts. Based on our growth development plan, our focus is the promotion of Culture and Arts,” pahayag ni Ms. Cheri.

Ayon din kay Ms. Cheri, siya ang gumawa ng apat na area para sa CFPA. Una, ay ang Theatre Guild na pinangungunahan ni G. Eric Sitol, isang direktor ng teatro. Pangalawa, ang Symphony Orchestra sa pamumuno ni G. Darren Vega. Pangatlo, ay ang Coro San Benedetto na kanyang binuo bilang official choir ng SBCA Center for Performing Arts, na pinanumumunuan ni G. Darwin Vargas, bilang konduktor ng koro. Panghuli, ay ang CFPA Dance Company na kasalukuyan pang binubuo dahil wala pang namumuno rito. Dagdag pa ni Ms.Cheri, ito ay hindi lamang kinabibilangan ng hip-hop, kundi nais niyang isama rito ang ballet at contemporary dance.

Ang ‘Hansel and Gretel’, ‘Wizard of Oz’, at ang ‘Beauty and the Beast’, ay ilan lamang sa mga teatrong proyekto na inihandog ni Ms. Cheri sa ilalim ng CFPA. Ayon sa kaniya, hindi pa siya empleyado ng SBCA nangsimulan niya ang Hansel and Gretel noong 2019. Ikinuwento niya rin na hindi naging madali ang pagsasadula nito sapagkat mahirap ipagtipon-tipon sa isang pag eensayo o rehearsal ang mga gumaganap na mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang 2nd year high school. Ngunit sa kabila ng lahat, nagustuhan ni Ms. Vilma B. Clerigo, punongguro ng IBED, ang matagumpay ng pagtatanghal. Kung kaya kinausap din siya ni Fr. Gerard kung maaari ba siyang magbigay ng lecture para sa mga magaaral ng San Beda. Tinalakay rin sa kaniya ang planong pagbabalik ng Center for Performing Arts.

 

Sa kasalukuyan, nakatuon si Ms. Cheri sa pag paplano ng mga susunod na proyekto na kanilang ihahandog at sa pagtatayo ng magiging gusali ng CFPA. Ayon sa kaniya, layunin niyang palawakin at paunlarin ang departamentong ito upang mailabas ang talento ng mga Bedista na maaaring maging susunod na bituing magniningning sa pagtatanghal.

 

Ang kahalagahan ng Center for Performing Arts sa San Beda College Alabang ay hindi dapat pinalalampas sapagkat ito ay nagsisilbing mahalagang bahagi para sa komprehensibong pag-unlad ng mga mag-aaral. Ang pag unlad na ito ay hindi lamang sa kanilang mga kakayahan sa sining kundi pati na rin sa kanilang personal at panlipunang paglago. Mahalagang bigyang pansin at priyoridad ang sining at pagtatanghal dahil lumilikha ito ng isang kapaligirang hindi lamang mas masigla at masaya, kundi pati na rin ang mas malalim na kahulugan ng pagtuklas sa sarili at pagsulong sa hinaharap. 

 

One thought on “Tunog ng Pag-unlad: Mithiin ng Center for Performing Arts sa SBCA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *